Wastewater mula sa ilang kabahayan at establisyimento sa Angeles City, dumidiretso sa Abacan River: LGU
Karamihan umano ng wastewater mula sa mga kabahayan at ilang establisyimento sa Angeles City ay direktang dumadaloy sa tributaries ng Abacan River at sa mga ilog sa downstream ng lungsod.
Ito ang isa sa mga hamong kinakaharap ng Pamahalaang Lungsod sa isinusulong na rehabilitasyon ng Abacan River.
Ayon kay Mayor Jon Lazatin, hindi madali ang ginagawang pagsasaayos ng ilog dahil sa mahinang implementasyon ng ilang environmental laws, partikular sa usapin ng septage management.
Dahil dito, plano ng City Government na magsagawa ng isang comprehensive study upang matukoy ang kabuuang pinagmumulan ng wastewater sa Syudad.
Hinihikayat din ng alkalde ang mga karatig-bayan na magkaroon ng koordinasyon upang pag-usapan ang mas mahigpit na pagpapatupad ng Clean Water Act of 2004, lalo na sa mga ilog na magkakaugnay ang daluyan ng tubig.
Sa pagsama ng CLTV36 News sa operasyon ng Sanitation Division ng LGU, natuklasan na hindi lamang residential wastewater ang nag-aambag sa polusyon ng mga creek at ilog.
May ilang nakatagong industriya sa loob ng mga subdivision na walang water treatment facility at diretsong ibinubuhos ang wastewater nito sa kalapit na creek. Isa na rito ang isang noodles factory sa Brgy. Sto. Domingo.
Ayon sa mga opisyal ng lungsod, patuloy ang kanilang inspeksyon at monitoring upang matiyak na sumusunod sa environmental regulations ang mga establisyimento at maiwasan ang patuloy na pagdumi ng mga ilog na konektado sa Abacan River. #
