Tatlong umano’y fixer sa LTO San Fernando, arestado sa entrapment ops ng CIDG, ARTA
Tatlong umano’y fixer ang arestado sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa Licensing Center ng Land Transportation Office (LTO) sa City of San Fernando, Pampanga.
Isinagawa ang operasyon nitong November 17 matapos makatanggap ng impormasyon ang ARTA hinggil sa paglaganap daw ng illegal fixing activities sa naturang tanggapan.
Dinakip ang mga suspek na sina Ivan Bunao Padilla, 33; Manuel Lacson Aquino, 44; at Leudemar Aquino Ferrer, 56, na umano’y nag-aalok ng mabilisang proseso ng driver’s license application, renewal, at conversion kapalit ng dagdag na bayad.
Sa ikinasang operasyon, nagpanggap na mga aplikante ang mga operatiba ng CIDG na nagpa-renew at nagpa-convert ng lisensya mula non-professional patungong professional.
Ayon sa mga otoridad, inialok umano ng mga suspek na asikasuhin ang mga transaksyon, kabilang ang mga kinakailangang pagsusulit at dokumento, nang hindi na kailangang dumaan pa sa regular na proseso.
Sa halip na sa official cashier o payment channels ng LTO, direktang ipinabayad umano ng mga suspek sa mga poseur-customer ang kinakailangang halaga para sa kanilang serbisyo.
Nasa kustodiya na ng CIDG ang mga suspek habang inihahanda ang kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso sa Office of the City Prosecutor ng San Fernando. #
