4-day onsite classes at work setup, ipatutupad sa PSU at HAU simula March 10-31
Apat na araw na lamang ang onsite classes at trabaho kada linggo sa Pampanga State University (PSU) at Holy Angel University (HAU) kasunod ng krisis sa presyo ng langis at panawagan ng pamahalaan sa energy conservation.
Ipatutupad ito simula March 10 hanggang 31, 2026.
Alinsunod sa Memorandum Circular No. 114 na inilabas ng Office of the President ng PSU sa Bacolor, Pampanga, magsasagawa ang unibersidad ng temporary 4-day onsite classes and operations at isang araw na work-from-home setup.
Sa mga petsang March 11, 16, 23, at 30, work-from-home ang mga non-teaching personnel maliban sa mga kawani na kabilang sa essential services gaya ng security at utility services na kinakailangang pumasok onsite.
Online classes naman ang isasagawa ng mga guro sa mga nasabing araw.
Inaatasan ang mga immediate supervisor na magtalaga ng gawain sa kanilang staff para sa accomplishment reports, habang imo-monitor naman ng mga dean at campus officials ang online classes upang matiyak ang tuloy-tuloy at maayos na pagtuturo.
Sa mga araw naman ng regular onsite classes at office operation, pinaaalalahanan ang lahat ng opisyal, kawani, at estudyante na pairalin ang mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya.
Samantala, nagpatupad din ng kaparehong hakbang ang HAU sa Angeles City.
Sa kanilang advisory, nakasaad na simula Lunes hanggang Huwebes, isasagawa ang face-to-face classes at pasok ng mga empleyado mula 7 AM hanggang 5 PM o 8 AM hanggang 6 PM. Tuwing Biyernes naman ang online classes para sa mga estudyante at work-from-home setup para sa mga kawani.
Ayon sa pamunuan ng mga unibersidad, pansamantala lamang ang naturang kaayusan at susuriing muli sa Abril depende sa magiging sitwasyon ng presyo ng langis.
Pinapayuhan ang mga estudyante at kawani na makipag-ugnayan sa kani-kanilang cluster heads para sa iba pang detalye at katanungan.
Ang hakbang ng dalawang pamantasan ay bahagi ng mas malawak na pagtugon sa epekto ng oil price hike at mapangalagaan ang kalidad at tuloy-tuloy na daloy ng klase. #
