17-anyos, huli sa pagbebenta ng unregistered luncheon meat
Nasamsam ng mga otoridad ang mahigit ₱1-million na halaga ng unregistered Korean luncheon meat sa isang warehouse sa Brgy. Cutcut, Angeles City noong October 22.
Umabot sa ₱1,040,040 ang tinatayang halaga ng mga nakumpiskang de-latang karne na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) at hindi garantisadong sumusunod sa itinakdang food safety standards.
Isang 17-anyos ang nahuling nagbebenta ng mga nasabing produkto. Ipinagkatiwala siya sa City Social Welfare and Development Office para sa kaukulang aksyon.
Samantala, sinampahan naman ng criminal case ang may-ari ng warehouse na pinaghahanap ng mga otoridad.
Pinayuhan naman ng CIDG ang publiko na tiyaking rehistrado sa FDA ang mga produkto bago bilhin o kainin ang mga ito. Maaaring beripikahin ang rehistro sa FDA Verification Portal sa verification.fda.gov.ph. #
