Video ng China Daily na naglalarawan sa mga Pilipino bilang unggoy, kinundena ng PH officials
Mariing kinundena ng ilang ahensya at opisyal ng Pilipinas ang AI-generated video ng China Daily na naglalarawan sa mga Pinoy bilang mga unggoy na sunud-sunuran umano sa Japan at United States.
Sa video ng Chinese state-controlled media outlet, makikita ang isang unggoy na nakasuot ng salakot na sumisimbolo sa Pilipinas at kinokontrol umano ng United States at Japan sa pagsusulong ng 2016 arbitral ruling sa South China Sea.

Ipinost ang video noong July 10, kasabay ng mga aktibidad sa Pilipinas para sa ika-10 anibersaryo ng landmark ruling. Nakasaad sa desisyon na walang legal na basehan ang malawak na maritime claims ng China sa loob ng nine-dash line sa South China Sea.
Patuloy namang tinatanggihan ng China ang ruling kahit na pinal na ito at kailangang sundin ng dalawang bansa sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), isang international agreement na nagtatakda ng mga karapatan at patakaran ng mga bansa sa dagat.
Filipinos are not monkeys
Mariing kinundena ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela ang racist at mapanghamak na paglalarawan sa mga Pilipino.

“Racism has no place in this day and age — and racism meant to belittle another race deserves nothing but condemnation. Filipinos are not monkeys!” ani Tarriela.
Binalikan din ni Tarriela ang naunang caricature issue, kung saan naghain ang China ng diplomatic protest dahil umano’y binastos sa caricature ang Chinese leader.
“Isang caricature lang ay iniyakan na nila — nag-file pa ng diplomatic protest dahil binastos ko raw ang kanilang lider. Ngunit dito, sa video na ito na mahigit isang minuto, ang binabastos at minamaliit ay ang ating pagka-PILIPINO mismo!” ani Tarriela.
Tinukoy rin niya ang ilang senador na noon ay nanawagang humingi siya ng tawad sa China.
“Naaalala ko tuloy ang ilang senador na nagsabing kailangan ko raw humingi ng tawad sa China. Ngayon kaya, sasabihin din ba nilang ang China naman ang dapat humingi ng tawad — dahil tayong mga Pilipino mismo ang binababoy ng video na ito?” dagdag niya.
Take down racist video
Samantala, kinundena rin ng Department of Foreign Affairs ang AI-generated videos at editorial cartoons ng China Daily kaugnay ng 2016 arbitral ruling.

Ayon sa kagawaran, lumampas na sa legitimate political debate ang content dahil gumamit ito ng tahasang mapanghamak, dehumanizing, at racist na paglalarawan sa mga Pilipino.
“The Philippines demands that the offensive material be taken down, calls for the immediate cessation of such irresponsible content, and urges China to uphold dignity, respect, and truth in public discourse,” pahayag ng DFA.
Dagdag ng ahensya, lalo lamang pinapalalim ng ganitong imagery at misinformation ang kawalan ng tiwala sa pagitan ng Pilipinas at China.
Video mocks arbitral ruling
Naglabas din ng hiwalay na statement ang Department of National Defense noong July 16 kaugnay ng kontrobersiya.

Mariing binatikos ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang video at tinawag itong isang uri ng dehumanization laban sa mga Pilipino.
“This mockery of the lawful 2016 Arbitral Award and the video’s glorification of violence against the Filipino people and soldiers expose the moral and intellectual bankruptcy of China’s propaganda machine,” ani Teodoro.
Sinabi rin ng kalihim na gumagamit umano ang Chinese government ng racism, pagbabanta, at sadyang paglikha ng galit dahil nabigo itong ipagtanggol ang mga claim nito gamit ang katwiran, ebidensya, o batas.
##
