$40-M fuel storage depot, planong itayo sa Subic para sa US military operations
By Kath Chiang, CLTV36 News
Planong magtayo ng bagong fuel storage depot na nagkakahalaga ng $40 million o mahigit ₱2.3 billion sa Subic Bay Freeport upang suportahan ang operasyon ng militar at mga komersyal na aktibidad ng United States.

Inanunsyo ito ng White House nitong Miyerkules, November 18, kasunod ng naging pagbisita ni United States President Donald Trump sa Maynila para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-US Special Summit at Quadrilateral Security Dialogue.
Sa inilabas na fact sheet na naglalaman ng mga tinawag na “historic economic deals” ni Trump sa Asia, sinabi ng White House na bahagi ang proyekto ng mga hakbang upang palakasin ang alyansang pangdepensa ng Pilipinas at United States, tiyakin ang seguridad ng mahahalagang supply chain, at magbukas ng mga oportunidad para sa American businesses.
Ayon pa sa White House, ang Subic Freeport Grain Terminal Services Inc. o Subic Grain ang magtatayo ng naturang pasilidad.
Gayunman, hindi pa makumpirma ng isang source mula sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) kung may nakalatag nang plano ang Subic Grain para sa naturang proyekto. Sa ulat ng BusinessMirror, sinabi ng source na wala umano itong impormasyon tungkol sa planong pagtatayo ng fuel storage depot.
Samantala, kabilang din sa mga inanunsyo ng White House ang connectivity services deal na nagkakahalaga ng hanggang $200 million sa pagitan ng Pilipinas at US-based satellite company na Astranis.
Kaugnay ito ng pagpapalawak ng satellite connectivity services sa bansa sa pamamagitan ng Agila geostationary communications satellite na ibinigay ng Astranis at pinatatakbo ng Philippine-based Orbits Corp. sa Subic Bay Freeport.
Bukod dito, plano ring isulong ng Pilipinas at United States ang $2-billion Foreign Military Financing (FMF) loan upang palakasin ang kakayahan ng militar ng bansa.
Sa naturang halaga, $400 million ang nakatakdang ilaan para palawakin ang operational reach at deterrence capabilities ng Philippine military sa West Philippine Sea, kabilang ang long-range weapons, command and control systems, critical infrastructure, at multi-domain drones.
Bahagi ang mga proyektong ito ng mas malawak na kooperasyon ng Pilipinas at United States sa larangan ng depensa, seguridad, at teknolohiya. #
