Pagpapasok ng e-waste ng Amerika sa Pilipinas, inalmahan ng envi group
Mariing kinalampag ng Environmental Task Force Against Illegal E-Waste Imports to the Philippines o END E-Waste Imports ang pamahalaan ng Estados Unidos na agarang itigil ang pagdadala ng kanilang mga electronic waste o e-waste patungo sa bansa, partikular na sa Subic Bay Freeport Zone.
Kasunod ito ng matagumpay na inter-agency dialogue noong July6, 2026 na pinangunahan ng Bureau of Customs (BOC). Layon ng pulong na tugunan ang pagpasok ng mga basura na itinuturing ng koalisyon na tahasang paglabag sa mga international environmental law.
Ayon kay Jam Lorenzo, Deputy Executive Director ng BAN Toxics at isa sa mga conveners ng task force, krimen sa ilalim ng Basel Convention ang pagpapadala ng e-waste ng Amerika sa Pilipinas. Ito ay dahil hindi miyembro ng naturang kasunduan ang US, habang ang Pilipinas naman ay naging bahagi nito noon pang 1993.
Inilahad ng grupo na mula March 2025 hanggang June 2026, umaabot sa 234 na container ng hinihinalang e-waste mula sa US ang nakapasok sa Subic. Gayunpaman, hindi raw ito pinigalan ng ahensya ng gobyerno dahil sa isang desisyon ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 3 noong April 2025 na kumuwestiyon sa legalidad ng mga panuntunan sa hazardous waste ng bansa.
Binatikos din ng task force ang depensa ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na “recyclable materials” at hindi mapanganib na basura ang mga inaangkat. Giit ni Lorenzo, anumang uri ng e-waste ay nangangailangan pa rin ng kaukulang permiso mula sa mga otoridad bago ito maibiyahe.
“This RTC ruling has been weaponized to allow unimpeded entry of illegal waste shipments such as those from the US. We hope the inter-agency dialogue led by the BOC will be able to come up with a solution to this predicament as soon as possible. We also call on US authorities to take action and stop the exporting of waste to our country,” ani Lorenzo.
Nanindigan ang grupo na hindi dapat payagan na maging tapunan ng basura ng mga mayayamang bansa ang Pilipinas sa likod ng terminong “circular economy.” Anila, ginagamit lamang na sandata ng mga mapagsamantala ang desisyon ng korte upang malayang makapagpasok ng mga basura.
###
