₱5.3-M ng hinihinalang ilegal na droga, natagpuan ng isang mangingisda sa Zambales
Nasa kustodiya na ng pulisya ang tinatayang ₱5.3 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga na natagpuan ng isang mangingisda sa karagatan ng Sta. Cruz, Zambales.

Ayon sa ulat, nakita ng mangingisda ang isang plastic-wrapped package na may mga Chinese character at 30 nautical miles ang layo mula sa baybayin noong November 18.
Pagdating sa pampanga, agad raw isinuko ng mangingisda ang pakete sa Sta. Cruz Municipal Police Station.
Nang buksan at inspeksyunin, tumambad ang puting crystalline substance na tinatayang isang kilo ang timbang.
Hinihintay pa ang resulta ng laboratory examination para matukoy ang aktwal na komposisyon ng nakuhang substance.
Ayon sa Zambales Police, nagpapatuloy ang kanilang intelligence monitoring at surveillance sa mga coastal community para maiwasan ang pagpasok ng ilegal na droga sa lalawigan. #
