Pinsala ng habagat at mga bagyo sa infra, agri sa Gitnang Luzon, pumalo na sa ₱12.7-B: RDRRMC
Umakyat na sa humigit-kumulang ₱12.7 billion ang pangkalahatang pinsala sa imprastraktura at agrikultura sa Gitnang Luzon matapos ang pananalasa ng Habagat at ng mga nagdaang Bagyong Luis, Maymay, Neneng, at Pilandok.
Batay sa Situational Report No. 94 ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council 3 nitong October 2, lumilitaw na higit limang beses ang isinipa ng kabuuang lugi mula noong Agosto.
Pinakamalaking bahagi nito ang naitala sa sektor ng imprastraktura at irigasyon na pumalo sa mahigit ₱10.5 billion. Kabilang dito ang ₱6 billion para sa national infrastructure, ₱1.32 billion sa mga irrigation facility sa Nueva Ecija at Pampanga, at ₱3.17 billion para sa mga napinsalang paaralan.
Sa ulat ng Department of Education o DepEd, umabot sa 1,028 classrooms ang totally damaged, 910 ang may major damage, at 2,574 ang nagtamo ng minor damage sa buong rehiyon.
Lumobo rin sa mahigit ₱2.2 billion ang kabuuang pinsala sa agriculture sector, na direktang nagpalugmok sa pangkabuhayan ng 35,990 magsasaka at mangingisda sa pitong lalawigan.
Samantala, nasa 1,344,031 pamilya o katumbas ng 4,320,868 indibidwal sa 1,991 barangays sa Gitnang Luzon ang nananatiling apektado ng nagdaang kalamidad.
Bagama’t bumaba na ang tubig-baha, may 16 na barangay pa rin sa Pampanga ang nananatiling lubog sa baha.
Naiulat ding accessible na o nadadaanan na ang lahat ng mga barangay na dating na-isolate, bagama’t may 3 kalsada sa Pampanga at 6 na tulay sa Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales ang nananatiling ‘not passable’.
Kasalukuyang nasa ilalim pa rin ng State of Calamity ang mga probinsya ng Bulacan, Pampanga, Tarlac, at Zambales. Habang tuluyan naman nang inalis ng Bataan ang kanilang deklarasyon noong September 10. #
