Babae sa Angeles City, arestado dahil sa umano’y human trafficking
Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang babae sa Brgy. Malabanias, Angeles City dahil umano sa human trafficking at illegal recruitment.
Pinangunahan ng CIDG Angeles City Field Unit, ACPO Station 4, at Sto. Tomas MPS ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakahuli sa suspek sa bisa ng 10 warrant of arrest. Kaugnay ang mga warrant sa mga kasong illegal recruitment, qualified trafficking, qualified trafficking in persons, estafa, at paglabag sa Securities Regulation Code na inisyu ng mga korte sa Mandaluyong City; Calamba City, Laguna; Bacoor City, Cavite; Pasay City; at Parañaque City mula 2024 hanggang 2026.
Walang inirekomendang piyansa para sa mga kasong illegal recruitment, qualified trafficking, at qualified trafficking in persons.
Ang akusado, na 36-anyos at isang negosyante, ay kinilala bilang Regional Most Wanted Person ng Police Regional Office 4A.
Batay sa imbestigasyon, kabilang umano sa modus ng suspek at ilan pang indibidwal na kanyang ni-recruit bilang massage therapists ang pag-aalok ng home-service massage na diumano’y may kaakibat na “extra services” sa Calamba City noong 2024. #

