Pampanga bettor, solo winner ng ₱10-M jackpot prize sa Lotto 6/42
Isang maswerteng mananaya mula Pampanga ang nakasungkit ng tumataginting na ₱10 million jackpot prize sa Lotto 6/42 draw gabi nitong Sabado, March 28.
Sa inilabas na abiso ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nagmula sa Angeles City ang lucky bettor matapos mahulaan ang winning combination na 11-23-09-05-01-03.

Mayroon siyang isang taon upang kunin ang premyo sa PCSO main office sa Mandaluyong City.
Ipinaalala naman ng PCSO na ang mga napanalunang halaga na lampas sa ₱10,000 ay may katumbas na 20% tax alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Samantala, bukod sa jackpot winner, umabot sa 134 na mananaya ang nakakuha ng mahigit tig-₱8,000 matapos mahulaan ang limang tamang numero.
Mayroon namang 3,438 na nanalo ng tig-₱290 para sa apat na tamang numero, habang 35,243 bettors naman ang tumanggap ng tig-₱20 para sa tatlong tamang numero.
Ginaganap ang Lotto 6/42 draw tuwing Martes, Huwebes at Sabado.
Hinikayat naman ng pamunuan ng PCSO ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga laro ng ahensya dahil nakatutulong umano ang kita nito sa pondong inilalaan para sa health service, medical assistance at iba pang programa ng pamahalaan. #
