Mabahong wastewater mula sa isang industrial area sa Mexico, inirereklamo
Umaalma na ang mga residente ng Brgy. San Jose Malino, Mexico, Pampanga bunsod ng mabahong amoy na pinaniniwalaang nagmumula sa kemikal na wastewater na dumadaloy sa Abacan River.
Sa drone footage ng CLTV36 News, makikitang diretsong umaagos ang wastewater mula sa isang industrial compound sa bayan patungo sa nasabing ilog.

Sa pagbisita ng news team umaga ngayong Lunes, March 30, natukoy ang drainage outlet ng industrial area kung saan lumalabas ang mabahong wastewater.
Ayon kay Mexico Mayor Ruding Gonzales, iniimbestigahan na ito ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at pansamantalang ipinasara ang isang industriyang konektado sa naturang discharge. Gayunman, hindi pa ibinunyag sa CLTV36 News ang uri ng negosyo nito.

Sinubukan ding kunin ang panig ng kumpanyang Unimax na namamahala sa compound, ngunit tumanggi itong magbigay ng pahayag.
Ang Abacan River ay isa sa mga river channel na konektado sa aquaculture industry sa Pampanga 4th District, na may malaking ambag sa industriya ng pangisdaan sa lalawigan. #
