Leadership changes sa economic agencies, hindi dapat ikabahala ng business sector: Malacañang
Hindi umano dapat ikabahala ng business sector ang mga pagbabagong ipinatupad sa liderato ng ilang pangunahing economic agencies ng pamahalaan.
Ito ang iginiit ng Malacañang sa gitna ng pangamba ng ilang negosyante na maaaring magdulot ng kawalan ng katiyakan sa mga investor at makaapekto sa operasyon ng mga ahensya ang biglaang leadership reshuffle.
Sa panayam ng Malacañang Press Corps ngayong Biyernes, November 13, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na nananatiling nagkakaisa at nagtutulungan ang mga opisyal ng pamahalaan sa kabila ng mga pagbabago sa kanilang posisyon.
Bilang halimbawa, binanggit ni Castro ang paglipat ni outgoing Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno bilang bagong mamumuno sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Dagdag pa niya, bahagi ng umiiral na ‘whole-of-government approach’ ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga programa at reporma ng administrasyon.
Kabilang sa isinagawang leadership revamp ang paglipat ni BCDA President and CEO Joshua Bingcang sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA), gayundin ang mga pagbabago sa pamunuan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at BOC.
Sa kabila nito, tiniyak ng Palasyo na magpapatuloy ang koordinasyon ng mga ahensya sa pagsusulong ng mga hakbang para sa ekonomiya ng bansa. #
