Korean at ka-live-in, dinakip dahil sa umano’y robbery-extortion sa Angeles City
Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang Korean national at kanyang live-in partner sa umano’y pangingikil ng ₱1.6 million kapalit ng pagpapalaya sa apat na kapwa Korean na nakakulong sa Bureau of Immigration (BI).
Dinakip ang dalawa sa isang entrapment operation sa Brgy. Cutcut, Angeles City, Pampanga noong November 9, matapos silang maaktuhang tumatanggap ng hinihinging halaga mula sa complainant.
Ayon sa CIDG, una umanong nangako ang suspek na si alyas “Jin” na tutulungan niyang mapalaya ang apat na Korean national na inaresto noong September 2026 dahil sa mga Red Notice. Kasalukuyan silang nakapiit sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Humingi umano si “Jin” ng ₱1 million kada isa o kabuuang ₱4 million, na gagamitin daw bilang pambayad sa bail, processing fees, at iba pang gastusin para sa kanilang paglaya.
Gayunman, kahit naibigay na umano ang buong ₱4 million, nanatili pa rin sa kustodiya ng BI ang apat. Kamakailan, muli umanong humingi si alyas “Jin” ng karagdagang ₱1.6 million o ₱400,000 kada isa para tuluyan na silang mapalaya.
Dito na raw humingi ng tulong ang complainant sa CIDG na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek. Patuloy ang imbestigasyon kaugnay ng insidente at sa kasong robbery-extortion in relation to estafa na isinampa laban sa kanila. #
