Operasyon ng ‘paihi’, nabuking sa Tarlac City; 9 katao, arestado
Aabot sa 93,000 liters ng gasolina at diesel ang nasamsam ng pulisya sa isang hinihinalang operasyon ng “paihi” ng produktong petrolyo sa Barangay San Rafael, Tarlac City nitong November 12.
Siyam na katao ang naarestoo sa isinagawang pagsalakay matapos maaktuhang naglilipat ng produktong petrolyo mula sa isang tanker truck patungo sa isa pa.
Kabilang sa mga dinakip ang isang 46-anyos na may-ari ng establisyimento at walo nitong empleyado.
Sa nakumpiskang petroleum products, 88,000 liters ang unleaded gasoline mula sa siyam na tanker truck, 3,000 liter ang gasolina na nakalagay sa mga intermediate bulk container at 2,000 liters naman ang diesel mula sa dalawang storage tank.
Na-recover din ng mga otoridad ang mga kagamitang ginagamit sa paglilipat ng langis, mga financial documents, at ang mahigit ₱146,000 na cash na hinihinalang kita sa bentahan.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865, kaugnay ng ilegal na kalakalan ng mga produktong petrolyo.
Nasa kustodiya na ng Regional Special Operations Group 3 ang mga naarestoo at mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at legal na proseso. #
