Operasyon ng PNP sa Arayat na nagresulta sa pagkasawi ng tatlo katao, pinaiimbestigahan ng LGU
PAMPANGA — Ipaiimbestiga ni Arayat Mayor Jeff Luriz ang naging proseso ng operasyon ng pulisya sa Barangay San Juan Baño kung saan nauwi umano sa engkwentro ang isinagawang surveillance operation ng Philippine National Police.

Batay sa bersyon ng PNP, nagsasagawa ng casing at surveillance ang magkasanib na operatiba ng Pampanga Police Provincial Office, Provincial Intelligence Unit, 1st Provincial Mobile Force Company at SWAT Pampanga kaugnay ng ulat ng indiscriminate discharge of firearms nang mamataan umano ang isang armadong lalaki na nagpaputok ng baril malapit sa isang tindahan.
Nang lapitan at utusang sumuko ng mga pulis, nagpaputok umano ang suspek sa direksyon ng mga operatiba. Ilan pang armadong lalaki sa loob ng compound ang umano’y nakipagpalitan din ng putok, dahilan upang magsagawa ng police response ang mga awtoridad.
Apat umano ang naaresto sa operasyon, kabilang ang isang forest ranger na kinilala sa alyas na “Ka Arlet”. Nakumpiska rin sa lugar ang ilang armas at iba pang ebidensya na isasailalim sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.
Samantala, sa inisyal na ulat ng lokal na pamahalaan ng Arayat, nasa tatlo ang casualty sa sinasabing engkwentro. Patuloy pang kinukumpirma ang kabuuang detalye kaugnay ng kanilang pagkakakilanlan at kalagayan.
Sa panig ni Mayor Luriz, sinabi niyang magsasagawa siya ng counter investigation upang masuri kung nasunod ang tamang police procedure sa operasyon. Aniya, mahalagang malinaw sa publiko kung ano ang tunay na nangyari, lalo na’t may mga tanong at agam-agam mula sa ilang residente kaugnay ng insidente.
Gayunman, tiniyak ng alkalde na wala nang namamayaning private armed groups o organized armed groups sa bayan ng Arayat. Ayon kay Luriz, hindi papayagan ng lokal na pamahalaan na magkaroon ng anumang grupo na maghahasik ng takot o gagamit ng armas upang guluhin ang kapayapaan sa komunidad.
Giit ng alkalde, bukas ang LGU sa pakikipagtulungan sa PNP, ngunit kailangan ding matiyak na ang bawat operasyon ay naaayon sa batas, may pananagutan, at hindi makaaapekto sa karapatan at seguridad ng mga residente.
Patuloy pang hinihintay ang karagdagang detalye mula sa pulisya at lokal na pamahalaan kaugnay ng magiging resulta ng magkahiwalay na imbestigasyon sa insidente. #
