17-anyos na lalaki, nasawi nang malunod sa bahang palayan sa Nueva Ecija
Nauwi sa trahedya ang sana’y simpleng panghuhuli ng dagang-bukid ng isang grupo ng magkakaibigan sa palayan sa Brgy. Aquino, Licab, Nueva Ecija tanghali nitong Miyerkules, August 12.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng Licab, kasama ng mga kaibigan ang 17-anyos na binatilyong biktima nang sumakay sila sa bangka para maghanap ng daga sa bukid. Ngunit tumaob ang kanilang sinasakyan sa tinatayang siyam na talampakang baha.
Nakaahon ang mga kasama ng biktima, ngunit hindi na ito nakaahon matapos lumubog sa tubig.
Agad namang humingi ng tulong ang mga kasamahan nito sa mga residente.
Matapos ang search and retrieval operation ng mga otoridad, natagpuan ang katawan nito hapon ng nabanggit na araw, ngunit wala na itong buhay.

Ayon sa Licab MDRRMC, mabagal pa rin ang pagbaba ng baha sa Brgy. Aquino dahil sa patuloy na pag-ulan sa lugar. #
