Mas mataas na buwis sa alak, panawagan ng ilang health group
Muling umapela ang ilang health group sa pamahalaan na palakasin ang polisiya laban sa mga nakalalasing na inumin dahil sa umano’y patuloy na pagtaas ng mga problemang pangkalusugan at panlipunan na may kaugnayan dito.
Ayon sa Philippine Medical Association (PMA), nananatiling malaking isyu sa bansa ang normalisasyon ng pag-inom ng alak sa iba’t ibang okasyon, kahit pa may seryosong epekto ito sa kalusugan.
Anila, mahigit 200 na sakit at pinsala sa katawan ang iniuugnay dahil sa alcohol consumption, habang tinatayang nasa 47 na Pinoy naman ang nasasawi araw-araw dahil sa pag-inom nito. Malaki rin daw ang bahagi ng mga kaso na may kinalaman sa liver cancer.
Samantala, sa panig naman ng non-government organization na Sin Tax Coalition, iginiit nilang ramdam din ang epekto ng alak sa mga pamilya at komunidad, lalo na sa mga insidente ng karahasan at pagkasira ng relasyon sa loob ng tahanan.
Binigyang-diin ng grupo na ang mga pamilya, lalo na ang mga bata, ang higit na naaapektuhan kapag may problema sa alak, dahil sila ang direktang nakararanas ng mga negatibong epekto nito.
Dahil dito, itinutulak ng mga health advocates ang panukalang dagdagan ang buwis sa mga produktong may alcohol upang mabawasan ang konsumo at pinsala nito sa lipunan.
Ang panawagan ay kasabay ng inilunsad na “Sinasaktan ng Alak ang Pamilya” campaign na layong palawakin ang kamalayan ng publiko at hikayatin ang pamahalaan na magpatupad ng mas mahigpit na polisiya laban sa nakalalasing na inumin. #
