Mga biktima ng umano’y “ghost pabahay” sa Magalang, nagsampa ng reklamo sa Ombudsman
Naghain ng reklamong graft sa Office of the Ombudsman nitong Martes, August 18, ang mga biktima ng umano’y “ghost pabahay” sa Magalang, Pampanga laban kina dating Magalang Mayor Romy Pecson at incumbent Vice Mayor Eller Pecson.

Nakaugnay ang reklamo sa housing project na umano’y ipinromote sa mga benepisyaryo at pinagkolektahan sa pamamagitan ng Urban Poor Affairs Office ng Magalang LGU, ngunit ayon sa mga complainant, hanggang ngayon ay hindi pa rin naihahatid ang ipinangakong pabahay.
Ayon kay Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) President Arsenio “Boy” Evangelista, hindi lamang umano mga kontrobersya sa national government ang dapat tutukan ng Ombudsman. Dapat din aniyang masusing bantayan ang mga proyekto ng local government units, lalo na sa ilalim ng devolution of powers, kung saan mas malawak ang mandato, responsibilidad at pondong pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan.
Hiniling ni Evangelista sa Ombudsman na imbestigahan nang malalim ang sinasabing “ghost pabahay”, na ayon sa mga complainant ay nai-promote pa noong panahon ng pandemya ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin naisasakatuparan.
Samantala, sa panig nina dating Mayor Romy Pecson at Vice Mayor Eller Pecson, sinabi nilang hihintayin muna nila ang kopya ng reklamong isinampa sa Ombudsman bago sila magbigay ng kanilang opisyal na komento. #
