Optional retirement age na 56 para sa government workers, lusot na sa Kamara
Mas maaga nang makakapag-retire ang mahigit isang milyong kawani ng gobyerno kung maisasabatas ang House Bill No. 10995 na nakalusot na sa final reading ng House of Representatives.
Sa ilalim ng panukala, aamyendahan ang GSIS Act of 1997 (Republic Act No. 8291) para ibaba ang optional retirement age ng mga government employees mula 60 pababa sa 56 years old.
Nilinaw naman na optional retirement lang ang bababa at mananatili pa rin sa 65 years old ang mandatory retirement age.
Kapag naisabatas, kwalipikado nang mag-early retire at makakuha ng GSIS benefits ang isang empleyado kung umabot na siya sa edad na 56, may at least 15 years nang serbisyo sa gobyerno, at hindi tumatanggap ng monthly pension mula sa permanent total disability.
Bakit isinusulong ang early retirement?
Ayon sa mga mambabatas, bukod sa mas maagang pahinga at mas mahabang panahon kasama ang pamilya para sa mga beteranong kawani, layon din nitong magbukas ng pinto para sa promotion ng mga mas nakababatang empleyado.
Sa pamamagitan din nito, magiging pantay na ang optional retirement age ng mga civilian government workers sa Philippine National Police (PNP) na 56, at malapit na sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na 57.
Panukala pa lang at hindi pa epektibo
Hindi pa epektibo ang mas maagang retirement age dahil panukala pa lang ito. Matatandaang nakalusot na rin sa Kamara ang kahalintulad na panukala noong 17th, 18th, at 19th Congress ngunit hindi ito umusad sa Senado.
Kailangan pa itong talakayin, aprubahan ng mga senador, at pirmahan ng Pangulo bago tuluyang maging ganap na batas.
Paano ang mga nasa private sector?
Nililinaw rin na sakop lang ng panukalang ito ang mga nagtatrabaho sa gobyerno. Para sa mga manggagawa sa pribadong sektor, nananatili pa rin sa 60 years old ang optional retirement age at 65 years old naman ang mandatory retirement, batay sa Labor Code of the Philippines (Republic Act No. 7641). #
