Mga manggagawa ng ChuangXing Steel Inc. sa Magalang, inilahad ang tinamong pinsala sa planta; ugnayan ni Mayor Lacson sa manpower agency, kinuwestiyon
Inilantad ng mga dating manggagawa ng ChuangXing Steel Incorporated sa Magalang, Pampanga ang mga aksidenteng kanilang sinapit, kakulangan umano sa safety equipment, at kawalan ng benepisyo sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado nitong Biyernes, August 14.

Ibinunyag ni Junnel Pimentel, na tatlong taon umanong nagtrabaho sa ChuangXing sa ilalim ng Kingsmen Manpower and General Services Inc. na wala umano silang harness at iba pang safety equipment habang nagtatrabaho sa matataas na bahagi ng planta.
Nagtamo rin daw siya ng pinsala sa dibdib habang mano-manong nagpupukpok ng materyales, na halos isang taon na umanong hindi gumagaling.
Isa pang manggagawa ang nagkwento kung paano siya muntik mahila ng makina matapos sumabit ang kanyang glove habang nagliliha ng shafting. Nabali umano ang kanyang braso at nagtamo ng iba pang sugat bago tuluyang napahinto ang makina.
Naapektuhan naman ang pandinig ng isa pang manggagawa matapos ma-assign malapit sa furnace. Aniya, walang ear protection sa lugar at minsan ay hindi na niya marinig ang mga busina dahil sa tindi ng ingay.
Inilahad din sa pagdinig na sariling pera umano ng ilang manggagawa ang ginamit sa pagpapagamot. Wala rin umano silang natanggap na mga benepisyo gaya ng SSS at PhilHealth, habang ang isang manggagawa ay gamot para sa uric acid ang ibinigay sa halip na agarang lunas para sa problema sa pandinig.
Ugnayan ni Mayor Lacson sa manpower agency, kinuwestiyon
Samantala, kinumpirma ni Department of Labor and Employment (DOLE) Region 3 Director Geraldine Panlilio na nakitaan ng paglabag sa general labor standards at occupational safety and health standards ang ChuangXing, kasama ang dalawang manpower agency nito na Bantayan Manpower Services at Kingsmen.
Lumitaw din sa pagdinig ang ugnayan ng kumpanya sa Kingsmen, na kinumpirma ni Panlilio na pagmamay-ari ni Magalang Mayor Malu Paras-Lacson. Isiniwalat ng DOLE na hindi rehistrado bilang subcontractor ang Kingsmen ngunit nakapag-supply pa rin ito ng malaking bahagi ng mga manggagawa sa ChuangXing Steel.
Dahil dito, kinuwestiyon ni Sen. Raffy Tulfo ang posibleng conflict of interest sa pagitan ng pagiging lokal na opisyal ni Lacson at ng kanyang ugnayan sa manpower agency.
Depensa naman ni Mayor Lacson sa isang hiwalay na pahayag, matagal na silang nag-divest ng kanyang asawa sa Kingsmen at wala na itong aktibong kontrata sa ChuangXing. Gayunman, hindi pa raw ito ganap na naipapakita sa pinakabagong SEC General Information Sheet.
Inatasan naman ni Tulfo ang DOLE na tukuyin at tulungan ang mga dating manggagawa ng ChuangXing na nagkasakit o nagtamo ng kapansanan. Inatasan din ang ahensya na makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) para sa kanilang gamutan at isama sila sa TUPAD program kung kinakailangan.
Matatandang sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) at Presidential Anti-Organized Crime Commission ang naturang planta noong July 18, kung saan nasamsam ang mahigit ₱3-billion halaga ng radioactive-bearing industrial materials, contaminated equipment at umano’y substandard steel products. Apat na company officers ang naaresto, habang 347 Pilipino at 37 Chinese workers ang nailayo sa mapanganib nitong kondisyon.
Nauna na ring inirekomenda rin ng DOH ang patuloy na radiological evaluation at pangmatagalang medical surveillance para sa mga posibleng nalantad sa panganib.
Samantala, ipinatigil na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operasyon ng pasilidad matapos itong ituring na banta sa kaligtasan ng mga manggagawa, kalusugan ng publiko at kapaligiran.#
