Koordinasyon ng Nat’l Gov’t at LGU, susi sa epektibong infra projects: VG Delta
Nais umano ni Pampanga Vice Governor Dennis “Delta” Pineda na magkaroon ng mas malinaw na pag-aanunsyo ng lahat ng infrastructure development projects ng National at Local Government sa mga komunidad sa lalawigan bilang bahagi ng transparency campaign ng Provincial Development Council.
Sa ginanap na Roads and Bridges Presentation for 2027 ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sinabi ni Pineda na mahalagang may sapat na kaalaman at partisipasyon ang mga local chief executive sa mga proyektong ipinatutupad sa kani-kanilang nasasakupan.
Giit niya, dapat may koordinasyon muna sa LGU upang matiyak na akma sa pangangailangan ng isang partikular na lugar ang proyekto at maiwasan ang sisihan kapag nagkaproblema.
“Magtataka ka sa masterplan nila, kung saan na lang nila gustong ilagay [‘yung infrastructure] nang hindi namo-monitor… At the end of the day, sisisihin natin yung barangay kaya magtataka tayo… bakit hindi alam ni Mayor na may project na ganito,” pahayag ng bise gobernador.
Samantala, sa naturong pulong, ilang alkalde ang kumuwestiyon sa mga road project, kabilang ang rehabilitasyon ng mga kalsadang napondohan ng milyong piso kahit hindi pa umano sira o nangangailangan ng agarang pagkukumpuni.
Binanggit din ng ilang opisyal mula sa Pampanga 4th District ang mga bypass road na wala pa umanong malinaw na koneksyon o agarang pakinabang sa publiko, kaya hiniling nila ang mas maayos na pagpaplano at paglalaan ng pondo sa mga proyektong tunay na kailangan ng mamamayan. #
