Gumuhong creek sa CSFP at flood mitigation measures sa Masantol, ininspeksyon ng DPWH
By Vin Dela Peña, CLTV36 News
Nakatuon sa naging epekto at mga kasalukuyang hakbang kaugnay ng malawakang pagbaha sa Pampanga ang isinagawang inspeksyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa City of San Fernando at Masantol ngayong Martes, September 22.

Sa Barangay Magliman, CSFP, tinungo ni DPWH Sec. Vince Dizon ang gumuhong bahagi ng creek upang suriin ang pinsala at ang mga kinakailangang gawin para sa agarang pagkukumpuni nito.
Magpapatayo umano ng sheet piles ang ahensya gamit ang Quick Response Fund na magsisilbing proteksyon at tutulong upang hindi tuluyang gumuho ang gilid ng creek.
Samantala, base sa post ng Masantol Information Office, sinuri ni Dizon ang flood mitigation measures ng lokal na pamahalaan ng bayan, kabilang ang earth dikes at pumping stations.

Tinalakay rin ng DPWH at mga LGU ang patuloy na koordinasyon para sa iba pang hakbang laban sa pagbaha. #
