Batas militar at sistema ng impunity, tinalakay sa intergenerational forum sa Bataan
By Vin Dela Peña, CLTV36 News
Sumentro sa mga hamon ng lipunan at kasaysayan ang talakayan sa isinagawang “Martial Law Dialogues: An Intergenerational Forum on Martial Law” sa Balanga, Bataan nitong Lunes, September 21.
Sa pangunguna ng mga grupong Kilusan-Bataan, Youth for Nationalism and Democracy, at Nuclear-Free Bataan Movement, dinaluhan ng aabot sa limampung kabataan mula sa iba’t ibang paaralan at sektor ang naturang aktibidad.

Dumalo rin bilang tagapagsalita si Levy Balgos Dela Cruz na isang kilalang Filipino artist, novelist, at Martial Law survivor na patuloy na nagtataguyod ng katotohanan ng kasaysayan.
Ginawa ito bilang paggunita sa ika-limampu’t apat na anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar. Sa kanyang pagharap sa bagong henerasyon, ibinahagi ni Dela Cruz ang kanyang pagsusuri sa takbo ng pamamahala sa bansa. Sa kanyang pananaw, nananatiling magkatulad ang mga pangunahing suliraning panlipunan sa ilalim ng magkaibang yugto ng administrasyon.
“Sa aking pananaw, walang fundamental difference sa pagitan ni Marcos Sr. and Jr., parehong malala ang corruption, kahirapan at ang political dynasty. Ang regimen ay hindi pa rin naglilingkod sa taumbayan,” ani Dela Cruz.


Bukod sa pagsusuri sa gobyerno, binigyang-diin din ng premyadong manunulat ang umiiral na sistema ng kawalan ng pananagutan sa bansa. Kinwestyon niya ang estado ng hustisya sa pagtalakay sa mga isyu ng karahasan at public funds, kung saan ginamit niyang halimbawa ang kamakailang pag-acquit ng Korte Suprema sa 7 counts of graft cases laban kay dating First Lady Imelda Marcos upang ilarawan ang culture of impunity.
“Nananatili pa rin ang culture of impunity, ang torture ay hindi lang pisikal, ngayon ay para tayong tinotorture sa kahirapan, gayong bilyon ang napupunta sa korapsyon. Pero walang nakukulong,” pahayag niya.
Sa pagtatapos ng pagtitipon, nag-iwan ng panawagan ang mga tagapagsalita na patuloy na pag-usapan at balikan ang mga aral ng Martial Law at manindigan para sa karapatang pantao upang mapanatili ang kamalayan sa kasaysayan ng bansa. #
