Sasha Lacuna, Top 11 finisher sa The Miss Globe 2026
Nagtapos bilang Top 11 finalist ang Philippine representative na si Binibining Pilipinas-Globe Sasha Lacuna sa The Miss Globe 2026 na ginanap sa Siam Niramit Phuket, Thailand nitong November 6.
Napanatili ni Lacuna ang Top 11 placement streak ng Pilipinas sa international pageant, kasunod ng kaparehong finish ni Annabelle McDonnell noong 2025.
Bukod sa Top 11 finish, nag-stand out din ang tubong Tarlac na beauty queen matapos masungkit ang Miss Social Media award, na nagbigay sa kanya ng automatic spot sa Top 21.
Nakapasok din siya sa Top 6 ng National Costume competition, Top 10 sa preliminary swimsuit, Top 12 sa Head-to-Head challenge, at Top 25 sa talent competition.
Samantala, itinanghal namang bagong The Miss Globe 2026 si Nguyen Thu Thao ng Vietnam.
Matatandaang huling naiuwi ng Pilipinas ang nasabing international crown sa pamamagitan ni Maureen Montagne noong 2021 sa bansang Albania. #
