Clark, target palakasin bilang aviation at logistics hub sa North Luzon
Itinutulak ng Clark International Airport Corporation (CIAC) ang pagpapalakas sa Clark bilang pangunahing aviation, logistics, at investment hub sa North Luzon, sa harap ng mga oportunidad na dala ng Luzon Economic Corridor.
Inilatag ni CIAC President and CEO Joseph Alcazar ang potensiyal ng Clark Aviation Capital sa mga international aviation at infrastructure leaders sa ginanap na Super Terminal Expo 2026 sa Hong Kong noong November 3-5.
Ayon kay Alcazar, layon ng proyekto na makahikayat ng mga international investors at suportahan ang national program para sa mas malawak na oportunidad pang-ekonomiya sa Luzon.
“The Clark Aviation Capital is being primed to attract global investments and contribute to the national government’s efforts to provide strategic opportunities for the Luzon Economic Corridor, particularly in positioning Clark as a global investment destination,” ani Alcazar.
Kabilang sa mga pangunahing proyektong ipinakilala ng CIAC ang Clark National Food Hub, World Convention and Events Hub, Clark International Aviation Campus, at Clark Integrated Gateway Access Development.
Bahagi ang mga ito ng plano na gawing sentro ng aviation, logistics, negosyo, at turismo ang dating US military airbase, na inaasahang magpapalawak din ng economic opportunities sa Central at North Luzon.
Dinaluhan ng mahigit 6,000 industry professionals mula sa higit 60 bansa ang tatlong araw na Super Terminal Expo 2026, kung saan itinampok ang mga bagong teknolohiya at development para sa mga susunod na henerasyon ng passenger at cargo terminals. #
