Donaire vs. Masuda fight, masasaksihan sa March 15
Magbabalik ring si Pinoy boxing icon Nonito “The Filipino Flash” Donaire sa darating na March 15 sa Yokohama, Japan. Ito ay matapos ang nakaraang split-decision loss niya noong Disyembre laban kay Seiya Tsutsumi.
Makakaharap ni Donaire ang Japanese boxer na si Riku Masuda sa isang WBA title eliminator bout sa ilalim ng Teiken Promotions, kung saan nakataya ang pagkakataong muling makalapit sa world title fight.
Sa edad na kwarenta’y tres, nananatiling determinado si Donaire matapos bumalik agad sa ensayo bago matapos ang 2025.
Batay sa pinakahuling WBA rankings, kasalukuyang No. 1 contender si Donaire habang pang-apat naman si Masuda, dahilan upang maging mahalaga ang labang ito sa takbo ng titulo.
Noong nakaraang taon, napatunayan pa rin ni Donaire ang kanyang kakayahan nang masungkit niya ang WBA interim bantamweight belt matapos talunin si Andres Campos.
Kung magtatagumpay, muling magkakaroon ng tsansa si Donaire na basagin ang sarili niyang record bilang pinakamatandang bantamweight world champion sa kasaysayan ng boxing. #
