2 paaralan sa Aurora, nakatanggap ng smart greenhouse para sa sustainable farming at food security learning
Dalawang public high school sa Aurora ang nakatanggap ng smart greenhouse facility mula sa Department of Science and Technology (DOST). Layunin ng proyekto na palakasin ang kaalaman ng mga estudyante sa makabagong agrikultura at suportahan ang food security education sa lalawigan.
Itinayo ang mga pasilidad sa Casiguran National High School at Maria Aurora National High School bilang pangunahing hub para sa seedling production.
Mula rito, magsu-supply ng de-kalidad na punla sa dalawampung benepisyaryong paaralan para sa kanilang school gardening at agricultural learning activities.
Ayon sa DOST Aurora, ang teknolohiya sa loob ng greenhouse ay nagbibigay-daan sa tuloy-tuloy na produksyon kahit may pagbabago sa klima.
Paraan din ito upang magkaroon ng praktikal na pagsasanay ang mga estudyante sa plant biology, environmental control, at sustainable farming methods. Kasama rito ang pag-monitor ng temperatura at humidity, wastong paggamit ng tubig at nutrients, at paggamit ng basic monitoring systems para sa mas episyenteng pamamahala ng taniman.
Bawat greenhouse ay may sukat na 6 by 10 meters at kumpleto sa UV-protected film, shade nets, sanitation areas, automated climate at water systems, at multi-level racks para sa seedling trays.
May kasama ring starter kits tulad ng trays, cocopeat, nutrient solutions, at vegetable seeds upang masiguro ang tuloy-tuloy na produksyon at pagkatuto.
Bukod sa pagsasanay ng mga estudyante, inaasahan ng DOST na magiging dagdag na pagkakakitaan ng mga paaralan ang proyekto sa pamamagitan ng pagbebenta ng punla o labis na ani sa lokal na merkado, habang pinalalawak ang paggamit ng science-driven agriculture sa komunidad. #
