Content creator na si Romeo Catacutan, hindi na iko-content ang pagluluto ng ‘pakalugkug’
Hindi na raw magla-live ang content creator na si Romeo “Idol” Catacutan kung paano lutuin ang traditional Kapampangan recipe na “pakalugkug.”

Ito ay matapos mapuna ng animal welfare group na Better Fish, Tomorrow ang isa sa kanyang mga video kung saan tampok ang pagluluto o paghahanda niya ng buhay na dalag o butaris.
Umani ito ng magkakahalong reaksyon: may mga bumatikos sa umano’y animal cruelty, habang may ilan namang dumepensa at nagsabing bahagi ito ng lumang tradisyong kusina sa kanayunan.
Sa panayam ng CLTV36 News team kay Catacutan, ipinaliwanag niya ang mayamang kultura ng Kapampangan pagdating sa pagkain at paghahanda ng mga lutuing minana pa umano sa matatanda.
Ipinakita rin niya ang kanyang farm sa San Luis, Pampanga kung saan organic umano ang karamihan sa mga sangkap at mula sa sariling palaisdaan ang mga isdang nasa kanyang content. Aniya, madalas niyang pinapakain nang libre ang mga bisitang nagtutungo sa lugar bilang bahagi ng kanyang hospitality content.
Sinabi ni Catacutan na hindi niya sinasadyang makasakit sa damdamin ng mga animal advocate, ngunit umaapela rin siya ng paggalang sa kultura ng mga Kapampangan.
Gayunman, dahil sa naging puna ng advocacy groups, tiniyak niyang wala na sa kanyang mga susunod na content ang live cooking ng “pakalugkug.” #
