Pambansang Pabahay sa Palayan City, ininspeksyon ni PBBM
Personal na sinuri ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong umaga ng April 23 ang ilan sa mga natapos nang gusali at pasilidad sa Palayan City Township sa Nueva Ecija.
Isa ito sa mga pangunahing proyekto ng pamahalaan sa ilalim ng mas pinalawak na Pambansang Pabahay para sa Pamilyang Pilipino o 4PH Program.

Makikita ang pag-usad ng proyekto makaraan ang tatlong taon mula nang sinimulan ito noong December 2022. May mga gusaling tapos na, habang ang iba ay nasa huling yugto na ng konstruksyon.
May mga yunit na rin na una nang naipamahagi at tinitirahan na ng mga benepisyaryo.

Bumisita rin ang Pangulo kasama ang ilang lokal na opisyal ng Palayan City sa ilang pasilidad gaya ng central park at clubhouse na bahagi ng komunidad.
Sa kabuuan, idinisenyo ang naturang 23-hectare township bilang isang vertical housing community. Magkakasama na rito ang housing units, open spaces, at iba’t ibang shared amenities.
Sa oras na makumpleto, inaasahan daw na makikinabang sa 24 residential buildings ang mahigit sa dalawampu’t dalawang libong pamilya.
Samantala, bukod sa pagbisita sa pabahay, pinangunahan din ng Pangulo ang rice distribution sa mahigit isandaang ambulant vendors at Kadiwa beneficiaries sa Farmers Plaza sa lungsod. #
