VP Sara, iginiit na malinis ang record sa kabila ng mga paratang
Nanindigan si Vice President Sara Duterte na malinis ang kanyang service record at iginiit na walang katotohanan ang mga alegasyon sa kanya.
Kasunod iyan ng naging pagbulatlat sa kanyang bank accounts sa pagdinig ng House Committee on Justice sa kanyang impeachment, kung saan natuklasan ang umano’y bilyon-bilyong pisong pera.
Sa isang pahayag ngayong Huwebes, April 23, sinabi ni Duterte na bahagi umano ang akusasyon ng lumakas na “political attacks” matapos siyang kumalas sa Gabinete ni PBBM, at tumangging pumirma sa National Budget na hindi niya umano kayang ipagtanggol sa publiko.


“Malinis ang aking service record; hindi ako kailanman nagkaroon ng kaso sa paggamit ng pondo ng bayan. Lahat ng aking ari-arian at pera ay idineklara ko sa aking SALN. Ang bawat sentimo ay mula sa lehitimong pinanggalingan at may kaukulang dokumento,“ saad ni VP Sara.
Binatikos din ng bise ang ilang institusyon at personalidad, kabilang si former Senator Antonio Trillanes IV. Aniya, walang ibang pinagbago sa naratibo ni Trillanes mula pa noong 2016, kundi ang taong nasa likod niya gaya ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..
Iginiit din ni VP Sara na ginagamit din ang isyu upang ilihis ang atensyon mula sa malalaking problema ng bansa tulad ng umano’y anomalya sa flood control projects at pagtaas ng presyo ng mga bilihin. #
