Walang “rigodon” sa liderato ng Kamara, tiniyak ng Pampanga solon
Pinabulaanan ni Pampanga 3rd District Rep. Mica Gonzales ang kumakalat na issue ng umano’y “rigodon” sa liderato ng Kamara sa ilalim ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Ayon kay Gonzales, matatag ang pamumuno ni Dy at walang anumang reshuffle na nagaganap sa kasalukuyan. Giit niya, nananatiling nakatuon ang liderato sa mga pangunahing isyu ng bansa, partikular ang ekonomiya at epekto ng krisis sa petrolyo.
Samantala, sinabi rin ng kongresista na ginagamit ng mga mambabatas ang kasalukuyang break upang balikan ang kanilang mga nasasakupan at personal na suriin ang tindi ng epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo sa lokal na ekonomiya.
Sa kanyang distrito, binigyang-diin ni Gonzales ang pangangailangang maprotektahan ang agriculture sector bilang pangunahing food basket. Tinitiyak umano nito na ang supply chain ng mga produktong agrikultura ay tumutugon sa demand, habang hinahanapan ng solusyon ang hamon sa mobility at logistics dulot ng tumataas na gastos sa transportasyon.
Dagdag pa niya, mahalagang hindi mapag-iwanan ang sektor ng agrikultura upang mapanatili ang sapat na suplay ng pagkain sa gitna ng patuloy na krisis. #
