Higit 100 pamilya sa Obando, inilikas dahil sa epekto ng usok mula sa nasusunog na landfill sa Navotas
Aabot sa mahigit isandaang pamilya ang inilikas mula sa ilang barangay sa Obando, Bulacan matapos ma-expose sa makapal na usok mula sa nasusunog na landfill sa Navotas City.
Nitong Biyernes, April 17, personal na binisita ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa ang evacuation center kung saan sila nanunuluyan upang tiyakin ang kalagayan ng mga apektadong residente.
Namahagi ang kagawaran ng mga face mask at hygiene kits upang maprotektahan ang kalusugan ng mga evacuee.
Nagsagawa rin ang DOH ng paunang health assessment at nakatakda ring magsagawa ng mas malalim na pagsusuri kabilang ang blood tests para matukoy ang posibleng epekto ng polusyon.
Patuloy naman ang paalala ng ahensya sa publiko na manatili lamang sa loob ng bahay kung maaari, magsuot ng mask kapag lalabas, at agad magpakonsulta kung makararanas ng sintomas tulad ng ubo at hirap sa paghinga.
Matatandaang nagsimula ang sunog sa lumang sanitary landfill sa Navotas noong nakaraang linggo at patuloy pa ring naglalabas ng makapal na usok dahil sa nag-aalab na basura sa ilalim nito.
Ayon sa mga otoridad, bagama’t idineklarang “under control” ang sunog, pahirapan ang tuluyang pag-apula rito.
Sa ngayon, nagpadala na ang DPWH ng dredging equipment sa lugar upang masimulan ang pagtatambak ng lupa at putik sa apektadong lugar na umaabot ng mahigit kumulang 30-ektarya ng landfill. #
