Operasyon ng JnE Land Dev’t Corp., ipinatigil ng DENR dahil sa paglabag sa wastewater standards
Naglabas ng Interim Cease and Desist Order (CDO) ang DENR Environment Management Bureau (EMB) Region 3 laban sa JnE Land Development Corporation sa Brgy. San Jose Malino at Anao sa Mexico, Pampanga.
Ito ay matapos mapatunayan ang paglabag nito sa itinakdang wastewater standards ng pamahalaan.

Ayon kay DENR-EMB- III Dir. Martin Despi, batay sa laboratory results, lumampas ang wastewater discharge ng kumpanya sa allowable limits ng ilang critical parameters gaya ng fecal at total coliform, Biochemical Oxygen Demand (BOD), Chemical Oxygen Demand (COD), Total Suspended Solids (TSS), at oil and grease.
Sa datos, umabot sa 16 million hanggang 24 million MPN/100 mL ang fecal at total coliform — higit na mas mataas sa pinapayagang antas — na indikasyon umano ng untreated wastewater.
Mataas din ang BOD (hanggang 442 mg/L) at COD (hanggang 920 mg/L), na nagpapakita ng matinding polusyon na maaaring makasama sa kalusugan at kapaligiran.
Batay sa kautusan, sapat na batayan ang mga ito para agad ipatupad ang CDO alinsunod sa Pollution Adjudication Board Resolution No. 04 Series of 2021 at sa precautionary principle. Sa kasalukuyan, nakabinbin na sa Pollution Adjudication Board ang usapin ng kaukulang parusa at isinasailalim na ito sa pagdinig.
Dahil dito, inatasan ang JnE Land Development Corporation na itigil agad ang anumang operasyon na nagreresulta sa paglabas ng untreated o inadequately treated wastewater sa tubig o lupa.
Ipinag-utos din sa naturang kumpanya na magsumite sa loob ng 15 araw ng isang comprehensive compliance action plan na kinabibilangan ng:
1. Agarang pagpigil at containment ng wastewater discharge;
2. Pag-install ng maayos na wastewater treatment facilities;
3. Rehabilitasyon ng mga naapektuhang lugar;
4. At mga hakbang upang hindi na maulit ang paglabag
Nauna nang inilabas ang Notice of Violation noong April 13, 2026 matapos ang inspeksyon kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 9275 at iba pang environmental laws.
Samantala, sa isinagawang inspection ng CLTV36 News team, personal na nasaksihan sa bahagi ng Abacan River na wala nang agos ng tubig sa bahaging tosang o outfall mula sa Mexico Industrial Compound. #
