₱700-M pondo ilalaan para sa pagpapatayo ng Child Development Centers

Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang alokasyon ng ₱700-milyong pondo para sa pagtatayo ng mga Child Development Centers (CDCs) sa 4th at 5th class municipalities sa bansa.
“Gawin na natin ito (Let’s do it). I am thinking the daycare centers can also be CDCs. Ganoon na rin ‘yun eh (They are also the same). You have the same kind of training for the people. The kids are there,” ani Marcos sa isang sectoral meeting sa Malacañang kasama ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) at iba pang ahensya nitong Martes, March 4.
Ang EDCOM 2, na may tungkuling magsagawa ng komprehensibong pagsusuri sa sektor ng edukasyon, ay humiling ng ₱700-M ngayong taon upang mabigyan ng access sa early childhood education ang mga barangay na may mababang kita.
Nangako naman ng Department of Budget and Management (DBM) na popondohan ang proyekto sa bawat munisipalidad sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF), ayon kay Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara.
Batay sa Year Two Report ng EDCOM 2, may 5,800 barangay pa rin ang walang CDCs sa kabila ng isang batas noong 1990 na nag-aatas na dapat may isa sa bawat barangay.
Sa bilang na ito, 229 barangay ang nasa LGUs na may mababang kita, kaya kulang ang pondo para sa pagtatayo at operasyon ng CDCs.
Kaugnay niyan, plano raw ng EDCOM 2 na makipagtulungan sa Commission on Higher Education (CHED), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Early Childhood Care and Development Council upang madagdagan ang mga early childhood education graduates, lalo na sa mga rehiyong kulang sa guro.
“By fixing the foundations – nutrition, early childhood education, literacy and numeracy by Grade 3- we will ensure that our reforms are strategic, targeted, and enduring,” ani Dr. Karol Mark Yee, Executive Director ng EDCOM 2.
Samantala, binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagtugon sa mga hamon sa edukasyon: “We’ve been talking about economic development, we’ve been talking about inflation, agriculture, et cetera. It’s time to shift focus to education. That’s our only hope for the future.”
Nagpasalamat naman si Yee sa mabilis na aksyon ng Pangulo at DBM sa kanilang hiling na pondo.