Umano’y international e-sabong hub, bistado sa Bulacan
Sinalakay ng mga otoridad ang isang hinihinalang illegal online sabong hub sa Pandi, Bulacan na umano’y may target na mananaya mula sa mga bansang Mexico, Vietnam, at Cambodia.
Nagsagawa ng raid ang pinagsanib na pwersa ng pulisya sa isang pasilidad sa Barangay Poblacion nitong November 5, kung saan nadiskubre ang dalawang studio na ginagamit umano sa pagsasagawa at livestreaming ng mga sabong.
Nakumpiska sa lugar ang mga desktop computer, monitor, professional cameras, audio mixers, microphones at iba pang electronic equipment na pinaniniwalaang ginagamit sa operasyon. Na-recover din ang apat na panabong na manok.
Arestado sa nasabing operasyon ang 19 na indibidwal, habang kakasuhan din ang hinihinalang may-ari at supervisor ng pasilidad na wala sa lugar nang isagawa ang pagsalakay.
Nahaharap ang mga sangkot sa mga kasong paglabag sa Cockfighting Law at Cybercrime Prevention Act.
Patuloy namang iniimbestigahan ng PRO 3 ang umano’y international connections ng operasyon. #
