₱30-K incentive sa government employees, posibleng i-release sa Disyembre
Posibleng makatanggap ng hanggang ₱30,000 na incentive ang mga kwalipikadong government employees bago matapos ang taon 2026.
Ito’y basta’t matugunan ng kani-kanilang ahensya ang mga itinakdang performance target at makapagpakita ng operational savings.
Alinsunod ito sa Budget Circular No. 2026-1 na inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) para sa pagbibigay ng Collective Negotiation Agreement o CNA incentive ngayong 2026.
Kabilang sa mga kondisyon ang pagkakaroon ng valid CNA at hindi bababa sa 75% na average accomplishment rate sa mga performance target ng ahensya hanggang September 30, 2026.
Magmumula ang pondo para rito sa mga selected available balances sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses.
Hindi naman maaaring gamitin ang pondo para sa sahod at benepisyo ng mga kawani, capital outlay o savings mula sa mga abandonado o hindi napatupad na proyekto.
Ayon sa DBM, maaari lamang ipamahagi ang insentibo mula December 15 hanggang 31, 2026.
Kailangan namang isumite ng bawat ahensya ang consolidated report sa DBM bago o hindi lalagpas ng January 31, 2027. #
