Ugnayan ng media at kapulisan sa Gitnang Luzon, mas pinalakas ngayong Halalan 2025

Mas pinalakas pa ng Police Regional Office 3 (PRO 3) ang kanilang ugnayan sa media bilang mahalagang katuwang sa pagtiyak ng maayos at ligtas na eleksyon. Sa pamamagitan ito ng pagtatatag ng isang Media Action Center (MAC) bilang tulay ng komunikasyon para sa Halalan 2025.



Pinangunahan ni PBGen. Jean S. Fajardo, Regional Director ng PRO 3, ang pormal na pagbubukas ng MAC na magsisilbing sentro ng impormasyon sa Gitnang Luzon.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ng Commission on Elections (Comelec) na tiyakin ang transparency at kaayusan ng buong electoral process.
Ipinahayag ni Fajardo na kinikilala ng PRO 3 ang mahalagang papel ng media sa pagkakaroon ng malayang halalan.
Dagdag pa niya, ang aktibong pakikipag-ugnayan sa media ay daan daw sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon at mapigilan ang pagkalat ng maling balita.



Ang MAC ay bukas 24/7 at pangangasiwaan ng mga itinalagang tauhan ng PRO 3 na handang tumanggap ng tanong, ulat, o hinaing ng publiko. Layunin nitong pabilisin ang palitan ng impormasyon, lalo na sa panahon ng kritikal na yugto ng kampanya at mismong araw ng botohan.


Samantala, bukod dito, nagsagawa na rin ng local activation ng kani-kanilang MACs ang provincial at city police offices sa rehiyon upang mas mapalawak ang saklaw ng serbisyo. #
