Higit 30 football clubs, magtatagisan sa 1st ever Football Festival sa New Clark City
Umarangkada na sa New Clark City ang kauna-unahang football festival na ginaganap sa New Clark City Athletics Stadium sa Capas, Tarlac. Tampok dito ang young football players mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Pinangunahan ng mga opisyal ng Bases Conversion and Development Authority o BCDA ang pagbubukas ng 3-day tournament simula Biyernes, May 8.
Target daw nitong itaguyod ang youth development, teamwork, at sportsmanship sa pamamagitan ng football.
Mahigit 30 football clubs mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang kalahok sa festival.

Gagamitin sa torneo ang dalawang format ng laro: 11-a-side para sa older youth players, habang 8-a-side naman para sa edad 9 hanggang 12, para mas maging inclusive at angkop sa development level ng mga kalahok.
Ayon sa organisasyon, bahagi ang event ng patuloy na paghubog sa New Clark City bilang pangunahing sports and tourism hub sa bansa, kung saan binibigyang-diin ang pagbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga batang atleta.

Bukas sa publiko ang football festival hanggang Linggo, May 10.
Libre ang entrance kaya inaasahang dadagsain ito ng mga pamilya, football fans, at supporters na nais masaksihan ang new generation of football talent sa bansa. #
