Food production site sa CSFP, ni-raid; isa timbog, ₱30-M gamit, nasamsam
Isang lalaki ang naaresto matapos salakayin ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang food production facility sa City of San Fernando, Pampanga nitong Miyerkules, May 6.

Sa bisa ng search warrant mula sa Regional Trial Court, hinalughog ng mga otoridad ang pasilidad na iniuugnay sa isang kumpanyang may hinihinalang paglabag sa food and drug regulations.
Tinatayang nagkakahalaga ng ₱30 million ang mga nakumpiskang industrial equipment tulad ng mixing at blending systems, storage tanks, boilers, at filtration units, kasama ang mga finished food extract products.
Nasa ilalim na ng kustodiya ng pulisya ang nahuling lalaki, habang hindi naman naabutan sa lugar ang mga opisyal o incorporators ng kumpanya.
Sa ngayon, pinoproseso na ang lahat ng ebidensyang nakalap habang isinasagawa ang mas malalim na imbestigasyon sa operasyon ng naturang pasilidad. #
