Truck driver na sangkot sa karambola ng mga sasakyan sa San Ildefonso, pinadalhan ng Show Cause Order
Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 days ang driver’s license ng truck driver na sangkot sa sunod-sunod na banggaan sa Cagayan Valley Road sa San Ildefonso, Bulacan nitong July 21, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Ayon sa LTO, inisyuhan na rin ng Show Cause Order ang driver upang magpaliwanag sa mga posibleng paglabag, kabilang ang reckless driving. Pinahaharap siya sa Intelligence and Investigation Division kaugnay nito.
Inilagay na rin sa alarm ang nasabing truck at inatasan ang operator nito na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa kasong Employing a Reckless Driver.
Batay sa paunang imbestigasyon, bumangga ang truck sa hulihan ng isang sasakyan, na nagdulot ng sunod-sunod na salpukan. Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang isang sasakyan sa national road at nabangga ang isang motorsiklo. Natumba ang rider at nasagasaan ng truck, na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Samantala, sinisiyasat din ng LTO ang ulat na nakasagi umano ang truck ng isa pang sasakyan bago ang karambola ngunit hindi ito huminto.
Patuloy namang nangangalap ng mga salaysay at iba pang ebidensya ang ahensya upang matukoy ang buong pananagutan ng mga sangkot sa insidente. #
