Travel scams, posibleng dumami ngayong Holy Week; publiko, pinag-iingat
Nagbabala ang grupong Scam Watch Pilipinas sa publiko laban sa dumaraming travel scams kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa, partikular simula Huwebes Santo.
Ayon sa grupo, tumataas ang panganib ng panlilinlang dahil sa pagmahal ng pamasahe sa eroplano dulot ng pagtaas ng presyo ng langis, dahilan upang maraming Pilipino ang maghanap ng mas murang travel deals na sinasamantala naman ng mga scammer.

Kabilang umano sa pinakakaraniwang modus ang mga pekeng accommodation na inaalok online sa mababang presyo ngunit kalauna’y hindi naman umiiral.
Pinapayuhan ang mga biyahero na mag-book lamang sa mga beripikadong platform, suriin ang reviews, at direktang makipag-ugnayan sa hotel bago magbayad.
Nagbabala rin ang Scam Watch PH laban sa fake Wi-Fi hotspots sa mga paliparan, hotel, at tourist areas na ginagamit upang makuha ang personal at banking information ng mga biktima.
Isa rin daw sa mga dapat bantayan ang mga “too-good-to-be-true” travel deals at murang airline tickets na ibinebenta ng hindi awtorisadong indibidwal sa social media.
Pinapayuhan ang publiko na dumaan lamang sa opisyal na airline at travel apps at iwasan ang mga transaksyong minamadali ang bayad.
Hinikayat din ng grupo ang publiko na pairalin ang tinawag nilang “Kontra Scam Attitude” sa pamamagitan ng pagiging mapanuri, pag-verify ng mga alok, pag-iwas sa kahina-hinalang mensahe o link, at pagre-report ng mga scam sa National Anti-Scam Hotline na 1326. #
