Suspek sa online bomb threats sa Bulacan, naaresto na
By Nissa Alfaro, CLTV36 News
Nadakip na ng pulisya ang 18 taong gulang na suspek sa pagpapakalat ng online bomb threats na pumuntirya sa mga pribado at pampublikong paaralan sa San Ildefonso, Bulacan.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 3 (PRO 3), naaresto ang lalaki sa Brgy. Hilera, Jaen, Nueva Ecija gabi nitong Martes, July 21, kasunod ng manhunt operation na isinagawa ng mga otoridad.

Na-recover mula sa suspek ang isang cellphone, na pinaniniwalaang gamit niya sa pagpapadala ng mga banta. Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng San Ildefonso Municipal Police Station ang suspek at ebidensya para sa dokumentasyon. Bahagi rin ng imbestigasyon na isailalim ang nakumpiskang phone sa forensic examination ng Provincial Anti-Cybercrime Unit.
Ang suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o ang Anti-Bomb Joke Law at Article 282 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Section 6 ng Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Samantala, panawagan ng PRO 3 sa mga magulang, eskwelahan, at publiko na maging responsable sa paggamit ng social media at agarang i-report ang anumang online threats o mga kahina-hinalang aktibidad. #
