Bakal mula Chuangxing Steel, ginamit sa gumuhong gusali sa Angeles City: NBI
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na bakal mula sa Chuangxing Steel Inc. sa Magalang, Pampanga ang ginamit sa gusaling gumuho sa Barangay Balibago, Angeles City.
Ayon kay NBI Senior Agent Atty. Zulikha Marie Conales, na-recover ng mga imbestigador ang mga reinforcing steel bars o rebars mula sa guho ng gusali at natukoy ang pinagmulan ng mga ito.

“Kinukumpirma po ba ng Bureau na ’yung bakal na ginamit sa gumuhong building sa Angeles, Pampanga ay galing sa Chuangxing Steel Incorporated…” pagtatanong ni Sen. Risa Hotiveros, Chairperson ng Committee on Economic Affairs.
“Una po, Madam Chair, sa Pampanga. Yes, we confirm, we were able to recover rebars from the rubbles sa building sa Pampanga, Madam Chair… In fact, the Bureau released an official presentation about the rebars recovered from those rubbles. We confirm, Madam Chair,” sagot naman ni Conales.
Matatandaang madaling araw noong May 24, 2026 nang gumuho ang isang nine-storey under-construction building. Umabot sa 30 ang bilang ng mga kumpirmadong nasawi sa trahedya, kabilang ang isang Malaysian national.
Lumabas ang kumpirmasyon ni Conales sa pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs nitong Huwebes, September 3, kaugnay ng imbestigasyon sa paggamit umano ng substandard steel products sa bansa.
Una nang iniuugnay ng NBI ang Chuangxing sa mga bakal na hindi umano pumapasa sa itinakdang pamantayan pagdating sa mass variation, ductility at strength.
Noong July 18, 2026, sinalakay ng NBI at Presidential Anti-Organized Crime Commission ang planta ng Chuangxing sa Magalang, Pampanga, kung saan natuklasan ang mga umano’y substandard steel products at radioactive materials.
Isinagawa ang operasyon kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 12305 o ang Philippine National Nuclear Energy Safety Act.
Dahil dito, patuloy na sinusuri ng mga otoridad kung saan-saan pa naipamahagi o nagamit ang mga bakal mula sa planta, kabilang ang posibilidad na napunta ang mga ito sa iba pang gusali at maging sa mga proyekto ng pamahalaan. #
