“Sexbomb Bawi?” PUJ operators sa Central Luzon, natawa at napailing sa fare rollback ni PBBM
Pinag-uusapan ngayon ng mga transport group sa Central Luzon ang biglaang pagbawi sa ipatutupad sanang fare increase sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Dan Yumul, lider ng isang transport group sa rehiyon, tila lalo pang nabaon sa alanganin ang mga operator ng jeep, lalo na ang bumibiyahe ng malalayong ruta sa kanayunan.
Hindi naitago ni Yumul ang pagkadismaya at nagbitiw pa ng patutsada kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
“PBBM, miyembro ka na ba ng Sexbomb ngayon? Biglang bawi ka!” ani Yumul.
Bagamat may halong biro, diin niya na seryoso ang kinahaharap na krisis ng sektor.
Ipinaliwanag niya na hindi lang mga tanggapan ng gobyerno ang apektado ng mas maikling work week, kundi maging ang ilang pribadong kumpanya, partikular sa mga economic zone gaya ng Clark, kung saan nababawasan ang mga sumasakay araw-araw.
Giit ni Yumul, mas mabigat ang gastusin sa operasyon sa mga probinsya, kaya umaasa ang mga operator na muling ikonsidera ng pamahalaan ang kanilang kalagayan. #
