Hustisya at pagkilala para sa ‘Malaya Lolas,’ panawagan ng CHR
Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) ng full reparation, opisyal na pagkilala, at pormal na paghingi ng tawad para sa “Malaya Lolas,” ang mga Pilipinang biktima ng sexual slavery noong panahon ng pananakop ng Hapon sa World War II.
Sa inilabas na Gender Ombud Policy Advisory, iginiit ng CHR na ang pagbibigay ng hustisya sa mga nakatatandang survivor ay isang “agarang obligasyon sa karapatang pantao” na dapat tugunan ng pamahalaan.
Ang panawagan ay kasunod ng naging pahayag noong Marso 2023 ng United Nations Committee on the Elimination of Discrimination Against Women na nagsabing hindi sapat ang naging tugon ng Pilipinas sa diskriminasyon at paghihirap na dinanas ng mga biktima.
Ayon sa CHR, ang reparation ay hindi lang simpleng tulong-pinansyal—isa itong obligasyong nakabatay sa international law at sa mga pangako ng bansa sa ilalim ng CEDAW.
Bilang Gender and Development Ombud sa ilalim ng Magna Carta of Women, binigyang-diin ng komisyon ang pangangailangan ng isang komprehensibong programa ng reparasyon na magbabalik ng dignidad sa mga survivor.
Kabilang sa mga inirerekomenda ang paglikha ng isang nationwide reparations program, pangangalaga sa mga makasaysayang lugar tulad ng Bahay na Pula sa Pampanga, at pagsasama ng kasaysayan ng mga biktima sa national curriculum.
Bagama’t kinilala ng CHR ang mga hakbang ng pamahalaan—kabilang ang pagbuo ng inter-agency technical working group at paglabas ng Joint Memorandum Circular 2025-1 para sa humanitarian aid—binigyang-diin nito na kinakailangan ang mas matibay at pangmatagalang batas.
Partikular na hinikayat ng CHR ang pagpasa ng isang state-sanctioned reparations program at tuloy-tuloy na serbisyong medikal at psychosocial sa mga natitirang survivor, na karamihan ay nasa katandaan na.
Ang “Malaya Lolas” ay binubuo ng mga kababaihang naging biktima ng sexual slavery ng mga sundalong Hapones. Ilang dekada na silang nananawagan ng pagkilala at kompensasyon para sa sinapit nilang karahasan.
Nag-ugat ang kanilang laban sa insidente sa Mapaniqui, Pampanga noong November 23, 1944, kung saan dinala ang mga biktima sa Bahay na Pula at sumailalim sa pang-aabuso. Noong 1997, pormal silang nag-organisa upang ipaglaban ang kanilang karapatan.
Dumanas ng kabiguan ang kanilang kaso nang ibasura ito ng Supreme Court of the Philippines noong 2010 at 2014, dahilan upang dalhin nila ang usapin sa CEDAW noong 2019.
Nagbunga ito ng makasaysayang desisyon noong 2023 na kumilala sa paglabag ng pamahalaan sa karapatang pantao ng mga biktima, na nagresulta sa pagbibigay ng tulong noong 2024 at pagbuo ng technical working group.
Sa kabila nito, iginiit ng CHR na hindi pa tapos ang laban. Panawagan nila na lumipat mula sa pansamantalang tulong patungo sa isang ganap at permanenteng programa ng reparasyon upang maibigay ang hustisya, pagkilala, at dignidad na matagal nang ipinaglalaban ng Malaya Lolas. #
