Sapat na supply ng langis sa Clark Freeport, tiniyak ng CDC
Siniguro ng Clark Development Corporation (CDC) na may sapat na suplay ng langis para sa mga locator sa Clark Freeport Zone sa gitna ng nararanasang krisis sa enerhiya.
Sa isinagawang town hall meeting, naging pangunahing agenda ang usapin sa supply at presyuhan ng langis upang matugunan ang pangamba ng mga investor at negosyo sa loob ng economic zone.
Ayon kay CDC Pres. and CEO Atty. Agnes VST Devanadera, nakakuha sila ng commitment mula sa Petron Philippines, na may refinery sa Bataan, upang tiyaking tuloy-tuloy ang suplay ng petrolyo sa Clark sa kabila ng umiiral na krisis.
Dagdag pa ni Devanadera, karamihan sa mga locator at investor sa Clark ay nagpahayag ng kanilang mga concern hinggil sa fuel supply sa naturang pulong. Gayunman, may ilang maliliit na fuel players din ang nagbigay ng kanilang commitment na susuporta sa inisyatiba ng CDC.
Patuloy naman ang koordinasyon ng CDC sa oil companies at stakeholders upang mapanatili ang operasyon at katatagan ng economic zone sa gitna ng hamon sa enerhiya. #
