San Felipe outfall sa CSFP, barado ng basura
Nabarahan na ng mga basura ang bahagi ng drainage outfall sa may tulay ng Brgy. San Felipe, CSFP matapos ang serye ng thunderstorms na nagdulot ng mabilis na pagtaas ng tubig sa mga creek system ng Syudad.
Sa monitoring ng CLTV36 News team, napuno ng mga water hyacinth at samu’t saring basura ang naturang river channel dahilan upang bumagal ang daloy ng tubig sa lugar.

Bahagi ang naturang daluyan ng interconnected waterways mula Sapang Balen Creek sa Angeles City na tumatawid sa Del Carmen River patungong Balimbing Creek at San Fernando River — isa sa pangunahing catch basin at labasan ng tubig ng urban center ng City of San Fernando.
Ayon kay Engr. Edison Olalia, Project Manager ng DPWH Unified Project Management Office (UPMO), kritikal ang naturang outfall sa flood drainage system ng lungsod dahil dito bumabagsak ang malaking volume ng tubig mula sa mga urbanized area ng San Fernando.
Binigyang-diin niya na kinakailangan ang agarang declogging, clearing operations at dredging sa naturang water channel upang mapabilis ang pagbaba ng tubig lalo na ngayong nararanasan ang sunod-sunod na thunderstorms.

Dagdag pa ng opisyal, kapag makipot, mababaw o nababarahan ang outfall ay nagkakaroon ng water buildup sa mga mabababang lugar at urban drainage system ng lungsod.
Patuloy namang mino-monitor ng mga ahensya ang kondisyon ng mga creek at drainage network sa gitna ng banta ng localized flooding ngayong thunderstorm season.
Samantala, sinabi ni Engr. Anele David ng City Engineering Office sa CLTV36 News na tututukan umano nila ngayong linggo ang clearing operations sa naturang area. #
