Restoration program sa Pampanga River, isinusulong para solusyunan ang problema sa baha
Isasailalim sa malawakang restoration program ang Pampanga River, kabilang ang target na dredging sa bukana nito. Ayon iyan kay DENR Environmental Management Bureau Region 3 Director Martin Despi sa gitna ng lumalaking panawagan para sa pangmatagalang solusyon sa pagbaha sa lalawigan.
Kinumpirma ng opisyal na tuloy-tuloy na ang koordinasyon ng Provincial Government kaugnay ng isang private contractor na bahagi ng planong paghuhukay at rehabilitasyon ng ilog.
Layon daw ng proyekto na maibalik ang tamang lalim at lawak ng daluyan ng tubig, gayundin ang pagtanggal ng naipong basura at siltation na itinuturong dahilan ng mabagal na paghupa ng baha sa ilang komunidad.
Isa sa mga pangunahing makikinabang sa proyekto ang mga lugar sa 4th District ng probinsya na madalas maapektuhan ng matagal na pagbaha tuwing tag-ulan at high tide conditions. Ayon kay Despi, mahalaga ang tamang hydraulic flow upang mabilis na makalabas ang tubig patungong dagat.
Dagdag pa niya, kabilang sa kasalukuyang pag-aaral ang pagtukoy sa tamang sukat at carrying capacity ng ilog upang matiyak na science-based at sustainable ang gagawing dredging operations. #
