Planong Pax Silica sa Tarlac, suportado ng North Luzon business chamber basta’t may malinaw na proteksyon sa mga Pinoy

Sinusuportahan daw ng Philippine Chamber of Commerce and Industry–North Luzon (PCCI-NL) ang planong pagtatayo ng Pax Silica Hub sa New Clark City, ngunit dapat umanong tiyaking mapakikinabangan ng mga Pilipino ang inaasahang pag-unlad na dulot nito.
Sa kanilang pahayag, sinabi ng PCCI-NL na maaaring maging malaking oportunidad para sa North Luzon at sa buong bansa ang proyekto kung maisasagawa ito nang may transparency, maayos na pamamahala, at pananagutan.
“Pax Silica can become a generational opportunity for North Luzon and for the Philippines—but only if its benefits are deliberately designed to reach Filipinos,” giit ng samahan.
Ayon sa grupo, maaaring magdala ang proyekto ng domestic at foreign investments, trabaho, technology transfer, at mas maraming oportunidad para sa mga lokal na negosyo at supplier.
“But we support these objectives with open eyes, informed by history, guided by law, and anchored firmly in the national interest,” saad ng asosasyon.
Samantala, may mungkahing hakbang naman ang PCCI-NL sa pagpapatupad ng plano. Kabilang dito ang mas malinaw na investment at concession agreements, independent regulatory oversight, at makabuluhang partisipasyon ng mga Pinoy sa pamamahala ng proyekto.
Ipinanukala rin nila ang pagkakaroon ng hindi bababa sa 80% Filipino employment sa mga angkop na operational level, kasama ang skills-transfer programs at pakikipagtulungan sa mga local university at training institutions.
Nais din ng grupo na bigyang-prayoridad ang mga kwalipikadong Filipino suppliers at MSMEs, habang hinihikayat ang domestic processing at value addition para manatili sa ekonomiya ng bansa ang malaking bahagi ng kita.
Anila, nakahanda silang makipagtulungan sa mga stakeholder para sa pagtatatag ng regional business working group na tututok sa local supplier development, workforce preparation at MSME integration.
“Prosperity created here must first and foremost build the Filipino nation,” pahayag pa nila.
Binigyang-diin din ng PCCI-NL ang mahigpit na environmental compliance, independent monitoring, rehabilitation at remediation measures, gayundin ang konsultasyon at community development para sa mga maaapektuhan ng proyekto.
Kaugnay nito, nanawagan ang grupo sa pamahalaan na pabilisin ang regulatory process ngunit nilinaw na hindi dapat isakripisyo ang due process at mga alituntunin sa pagprotekta sa kalikasan. #
